March 22, 2008

Blackberry


May apat na taon na din na Blackberry ang gamit kong telepono selular at may ilang modelo na din ang nagpapindot sa mga daliring ito, at may ilan din na sinawimpalad na di umubra sa kakulitan ng mga kamay ko.
Mas matagal pa sana akong gumamit nito ngunit nuong una ay talagang ayaw ko dahil pangit ang itsura nito. Tsaka ang email ay derecho pasok agad sa Blackberry na parang ordinaryong teks lang. Kung hindi pa pinwersa sa akin na gamitin, malamang Nokia pa din ang gamit ko.
Noon ay halos wala pang nakakakilala sa teleponong ito at ang unang modelo na ginamit ko ay yung kulay asul pa na may kailangan pang pindutin upang magkaron ng ilaw ang screen nito (how primitive!) Naaalala ko noon na hiyang hiya akong ilabas ang telepono kong iyon. Nagtataka ang mga nakakakita kung bakit ako nakikipagusap sa calculator. Haha! Cute no? Bakit daw dinala ko pa ang adding machine sa opisina? Aguy!
Pero malupit ang teleponong yun. Ubod ng tibay talaga. Madaming beses na nahulog, hinulog, binato at tinapon, buhay pa din. May video pa nga sa youtube kung pano ang tamang paraan ng pagpatay sa Blackberry. Klikmoto. Ito pa.
Lumipas ang panahon, at ilang Blackberry din, unti-unting nadidiskubre ko ang mga kapangyarihan ng munting teknolohiyang ito. Hanggang sa tuluyan na kong napamahal sa gadget na ito. Naging Crackberry na ako. Sakit daw ito. Ganito ang nangyayare sa mga nakararanas ng ganitong karamdaman. Walang pinipiling edad yan.
Bukod kasi sa pantawag, pang-teks at email, madami pang ibang maaaring gawin sa teleponong ito. Kung sa mga ordinaryong tao na magpapadala ng teks sa ibang bansa, gagastos sya ng mula P10-15 bawat teks na naglalaman lamang ng 460 karakter. Pero sa aming mga imortal, basta may Blackberry, kahit anong network pa sya, makakapagpadala ng PIN message na maaaring sing haba na ng isang nobela sa ganung halaga din, dahil ang bayad ay P 0.15 (opo, quinse centimos) bawat kilobyte (humigit kumulang mga 1,000 karakter).
May kasama ding Blackberry Messenger (o BBM kung tawagin), na kahalintulad ng Yahoo! Messenger. Pero sa mga imortal lang din pwede to. Kailangan lang na alam mo ang email address o kaya PIN ng ibang may teleponong Blackberry din. Para naman sa mga ordinaryong tao, maaari din naman ninyo kaming maabot sa pamamagitan ng Yahoo! Messenger na pwede ding ilagay sa Blackberry.
Ang internet ay ilang pindot lang at nagsusurf ka na. Tatlong klaseng browser ang maaaring magamit. Merong pang-WAP at meron ding pang WEB talaga. Pwede din lagyan ng iba pang instant messaging programs kagaya ng MSN, AIM, atbp.
Bukod sa gamit pang komunikasyon, maaari rin naman itong lagyan ng iba pang programs na makakatulong sa pang araw-araw na pamumuhay, sa pagiging produktibo at paglilibangan. Depende na yan sa hilig at pangangailangan ng mga imortal. Panoorin mo to.
Ang mga bagong modelo ngayon ng Blackberry ay mas madami pang mga nadagdag. May mga modelo na ngayon na may camera, GPS, WiFi, at iba pang mga makabagong teknolohiya.
Ang tanong ko lang, sa panahon ngayon ng makabago at mabilis na komunikasyon, bakit mahal ang donut sa Krispy Kreme?

(yung logo sa taas, luma yan. iba na logo nila. mas gusto ko kasi yan kesa dun sa bago.)

3 comments:

  1. Ay naku po, salamat sa pagpapaalala na kami'y mga munting ordinaryong mga nilalalang na nabubuhay sa nokia at ericsson. =) Biro lang po.

    Maligayang pagsusulat at pagblog!

    ReplyDelete
  2. oh my gulay naman.. nagsasalubong ang mga mata ko sa pagbabasa ng Tagalog. Never mind the Blackberry coz i am very much happy with my Treo (kahit luma na). However, i am very much interested on your views on the vista and xp. Kaya lang, ayaw umandar ang utak ko pag binabasa ko comments mo. waaahhhh. Translate pleezzz...

    ReplyDelete
  3. ayoko mag inglis. kamaganak ko si janina san miguel eh hahaha

    ReplyDelete